During the meeting with local leaders and the community



Yüklə 30,08 Kb.
tarix21.04.2018
ölçüsü30,08 Kb.
#39471

PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III's SPEECH

DURING THE MEETING WITH LOCAL LEADERS

AND THE COMMUNITY

Pagasa Gymnasium, Brgy. F.E. Marcos

San Jose City, Nueva Ecija

February 24, 2016

02242016B

(applause) Maupo ho tayo. Magandang hapon sa inyong lahat.


Hinahanap ko lang ho si Governor Umali. Oh, yun pala. Narinig ko lang kasi yung boses mo kanina parang pigil na pigil.
Governor Umali; Senate President Frank Drilon; Secretary Mel Sarmiento of the DILG; Secretary Mon Paje of the DENR; ang susunod po sa atin, si Mar Roxas; (applause) syempre ang susunod na bise presidente, si Leni Robredo; (applause) atin pong mga kandidato sa Senado: si Ina Ambolodto, si Mark Lapid, si Cres Paez; kanina nakita po niyo si Icot Petilla at si Leila de Lima; banggitin ko na rin po sina Kiko Pangilinan, TG Guingona, Risa Hontiveros, Ping Lacson; TESDA man, si Secretary Joel Villanueva; at syempre paalala ko rin po sa inyo, si Frank Drilon po ay tumatakbo ring bilang senador; (applause) atin pong butihing Gobernador Oyie Umali; (applause) Congressman Joseph Violago; (applause) Congressman Cherry Umali; (applause) Mayor Marivic Belena; (applause) other local government officials present; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang hapon po muli sa inyong lahat. (applause)
Nung binabagtas po namin ang Nueva Ecija—ako po’y lulan ng helicopter— nakita ko po kung gaano kaberde ang inyong mga taniman. At alam po niyo last year ang pinaka pinoproblema natin yung pagdating ng El Niño at kakawalan ng tubig. Kaya ngayon na nakikita ko pong napaka parang sagana ng inyong sakahan ay talagang nakakapuno ho ng loob. Pagkalanding po may kapirasong byahe ng sasakyan, ang dami hong bumati sa akin na: ‘Uy!’ kanya ‘si…’—dati ho kasi nung tumakbo tayo ng 2010, sabi sa’kin, ‘si… si… si…’—hanggang sa nakaalis. (laughter) Sabi, ‘sino nga ba yun?’ (laughter) Kaya ho naging number 2 lang ako nun eh. Pero ngayon po, ‘si Noynoy Aquino.’ Ba, kumpleto na kako. (laughter) Problema hindi na ho ako tumatakbo ngayong kilalang kilala na ako. Ok na rin po yan, may kapalit naman po eh.
Mga kapatid, bukas po, ipagdiriwang natin ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power—ang mapayapang rebolusyon na nagwakas sa rehimen ng diktadurya. Sa atin pong paggunita, hindi ko maiwasang balikan ang mga dinanas po ng aking pamilya na siya pong humubog sa aking pagkatao sa ngayon. At isa nga po sa pinakamalaking yugto ng buhay namin ay nangyari noong taong 1973. Labintatlong taong gulang po ako nun, at talaga pong halos bumaligtad ang aming mundo.
Ikinulong po ang aking ama nang ipasailalim sa Batas Militar ni Ginoong Marcos ang buong bansa. Pero imbes na manahimik, nasa kulungan ang aking ama, siya po ay patuloy pong inilalahad ang katotohanan ng pagmamalupit ng Batas Militar. Sumulat po siya ng isang artikulong nailathala sa Bangkok Post na kritikal sa Batas Militar—yun po ay naipuslit namin mula sa piitan. Dahil po sa artikulong ito, lalong nagalit ang pwersa ng diktadurya. Lihim po siyang kinuha mula sa Fort Bonifacio, kasama ng dating Senador Jose “Pepe” Diokno. Pinosasan silang dalawa, piniringan ang mata, tinutukan ng baril sa tagiliran, at sinakay sa magkahiwalay na helicopter. Dinala po sila sa Fort Magsaysay, dito po sa Nueva Ecija.
Wala nga po kaming balita sa lagay ng aming ama noon. Pinagbawalan kaming bumisita. Hindi namin alam kung patay o buhay pa ang aming ama. Mayroon pa ngang mga nagsasamantala at nagbibigay ng maling impormasyon kung nasaan ang aming ama. Hanggang dumating po ang isang araw, may dumating pong truck sa aming bahay po sa Times, binabalik po sa amin ang mga gamit niya, lahat ng gamit niya ultimo po sipilyo o toothbrush. Syempre po kami nagtataka at nagtanong: Bakit isinasauli lahat ng ito? Tinanong po ng aking ina: “Bakit niyo sinosoli lahat pati na itong kanyang sipilyo? Ang sagot po sa amin ng sundalong naghatid: Hindi na raw po kailangan ang lahat ng sinasauli sa amin. Sa loob-loob namin po, at ako tinanong ko sa sarili ko: Kailan naman kaya hindi kakailanganin ang sipilyo ng isang taong nabubuhay pa? Syempre po kung hindi na po siya buhay.
Sa dulo po nito, dumulog kami sa Korte Suprema, at pinayagan kaming makadalaw. Dinala kami sa isang madilim na lugar na napapalibutan ng barbwire at sawali. Pakiramdam nga po namin, para kaming nasa concentration camp. Hindi namin po alam kung saan kami dinala nang panahon na yun. Kilala po namin ang pamilyang Diokno na matatapang, sila po ay nagmula sa Batangas. Kaya naman talaga pong nagtataka kami nang nakita naming lumuluha sila nang makita ang kanilang ama. Naitanong ko sa aking sarili: Bakit kaya ganun ang nangyari? Bakit ganun ang kanilang reaksyon? Ano kaya ang kanilang nakita?
Nang kami naman po ang mabigyan ng pagkakataong makita ang aming ama, matibay man ang kanyang loob, ay hindi po niya napigilang lumuha. Ibang-iba na nga po ang ang kanyang hitsura. Wala siyang salamin, kaya't madalas po raw sumasakit ang kanyang ulo. Kinuha din pati ang kanyang relo, at pati ang wedding ring. Ang itinira na lamang sa kanya, dalawang underwear at dalawang t-shirt. Nung nakita ko po ang aking ama, na kung naalala po niyo bago binaba ang Batas Militar, siya po ay mataba. Pero ang aming dinatnan dun kailangan niyang tanganan ang kanyang pantalon dahil nahuhulog po kung hindi niya tanganan. Hindi ho nakapag-ahit.

Sabi niya po sa amin noon, nagdadasal siya sa Birheng Maria, na bigyan siya ng huling pagkakataon na makita ang kanyang pamilya. Sa pagkikita namin dun, dun na rin po niya binilin sa akin na ako na ang bahala sa aking ina at mga kapatid. Si Kris pong bunsong kapatid namin, dalawang taong gulang pa lamang. Hindi pa man niya naunawaan ng buo ang nangyayari, mababakas po sa kanyang dama rin niya ang bigat at lungkot. Siya po’y karga karga ng aming ina, ibinaba yung ulo sa balikat ng akin ina at talagang… talagang para bang naliligaw siya: Ano ba ang nangyayari sa atin dito?



Magkahiwalay po ang kwartong pinagpiitan sa aking ama at kay Senator Diokno. Sa loob ng masikip, mainit na silid, nalalaman daw nilang buhay pa silang pareho, kapag kumakanta ang isa ng Lupang Hinirang, at tumutugon naman ang kabila ng kantang "Ang Bayan ko." Ganyan nga po kalupit ang ginawa sa aking ama at kay Senator Diokno, na naging boses ng oposisyon laban sa Batas Militar. Suma-tutal po, pitong taon at pitong buwan ikinulong ang aking ama. At nang piliin nya nga pong bumalik sa ating bansa, matapos ang pagkaka-exile sa Boston, siya po alam po niyo ay pinaslang.
Isa lang pong alaala yan ng pang-aabuso ng Batas Militar. Marami pang kwento ng milyun-milyong Pilipino na nakaranas ng karahasan ng mga panahong iyon. Iyong gobyernong binigyan ng mandato para arugain at pagsilbihan ang taumbayan, siya pa ang nang-api sa sambayanan. Nang matatapos na ang kanyang dalawang termino, gumawa pa ng paraan si Ginoong Marcos para manatili sa poder.
Kung iisipin, ganyang kadiliman din po ang dinaanan natin sa pamumuno ng ating sinundan, kung saan naglaho ang isang dekada sa ating bayan. Hindi na nga po natin maibabalik ito. Ang magagawa lang po natin, gawin ang tama sa kasalukuyan, at tiyaking hindi na mauulit pa ang kamalian ng nakaraan. Ang atin pong panata sa Daang Matuwid: Sa pag-unlad, walang maiiwan. Sa pag-ikot sa buong bansa, tinutukoy natin ang inyong pangangailangan, at agaran itong tinutugunan. Dito po sa inyong probinsya, ang pangunahing tutok natin: Agrikultura. Hangad po nating masagad ang potensyal ng Nueva Ecija bilang “Rice Bowl of the Philippines,” (applause) ang bigyan kayo ng lakas at kakayahang itaguyod ang magandang kinabukasan para sa inyong mga pamilya.
Nariyan po ang pagpapagawa natin ng mga farm-to-market roads, upang mapabilis ang biyahe ng inyong ani, mula sakahan hanggang pamilihan. Mula 2011 hanggang 2015, nasa 112 na po ang nakumpleto nating farm-to-market roads sa inyo pong lalawigan, at mayron pang 16 na proyektong ongoing. Dahil mas sariwa nang naihahatid ang inyong produkto sa merkado, mas nasasagad din ang kita ng ating mga magsasaka. Bukod dito, isinulong din natin ang paggagamit ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka, at ang production at post-harvest mechanization. Resulta: 5.12 metric tons per hectare na ang produksyon ninyo ng palay dito sa Nueva Ecija nitong 2015. Mas mataas pong produksyon yan, kumpara sa ipinangako ni Ginoong Marcos noon na ‘Masagana 99,’ na mayroon lang pong 4.95 metric tons per hectare. (applause) Siya po ang nangako, tayong lahat ang gumagawa ng kanyang ipinangako.
Kakambal ng pagsisikap nating payabungin ang agrikultura ang pagpapaunlad ng imprastruktura. Kung noon pong taong 2005 hanggang 2010, ang inilaang pondo para sa public works dito sa Nueva Ecija ay 5.68 billion pesos, halos naging triple po yan sa inilaan nating 16.17 billion pesos mula 2011 hanggang 2016. Isa po sa mga proyekto natin dito ang Central Luzon Link Expressway Phase 1. Magsisimula po ito sa SCTEx sa Tarlac, babagtas ng Zaragoza, Aliaga, at magtatapos sa Cabanatuan dito sa Nueva Ecija. (applause) Kapag po nakumpleto ito, mapapabilis po nito ang biyahe mula Tarlac hanggang Cabanatuan City, kung saan makikinabang ang 11,200 motorista kada araw. Magsisimula na po ang konstruksyon nito sa susunod na buwan.
Alam po niyo, kahapon ay nasa Bulacan ako, at doon po ay may kalsadang halos tapos na, ang tawag po ay Plaridel-San Rafael Bypass Road. Yung dati hong matatamlay na bukirin, ngayon po ay nag-uusbungan na kaliwa't-kanang pabrika, nagbabadya ng bagong mga pagkakakitaan at hanapbuhay diyan po sa lalawigan ng Bulacan. (applause) Iyan rin po ang gagawin nitong kalsadang aking binanggit.
Bukod po rito, may binubuo tayong alternatibong kalsada patungong Region II. Ang rutang babagtasin nito: Aurora-Quirino-Nueva Ecija. Sa alternatibong rutang ito, hindi na kakailanganing dumaan ng Dalton Pass, na batid nating malaki ang posibilidad ng landslide at lindol. Sabi po sa atin ni Secretary Babes Singson ng DPWH, natapos na ang ilang bahagi ng north at south alignment nito. Pinag-aaralan na rin po natin ang tunnel section nito upang masiguro ang kaligtasan ng alternatibong ruta. Kapag nga po nabawasan ang peligro, maayos ang mga daanan, dadaloy ang benepisyo, uunlad ang komersyo, at lalago ang turismo na siya namang nagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino.
Kanina naman po, galing tayo ng Talavera, para saksihan ang seremonyal na pagpapailaw ng mga sitio sa Gitnang Luzon sa ilalim ng ating Sitio Electrification Program. Dito po sa Nueva Ecija, at sa buong Gitnang Luzon, 100 porsiyento na ang ating mga sitiong energized na. Alam niyo po, ang press release ng pinalitan natin, lahat daw ng barangay sa Pilipinas, may kuryente na. Tayo po'y pinaniwala na buong Pilipinas ay nakuryente na, pero nung tayo ang nakaupo, natuklasan nating kapag napailawan nila ang barangay hall, ang ibig sabihin raw pala noon, electrified na daw ang buong barangay. Kailan naman nangyaring kapag napailawan ang isang barangay hall, may kuryente na rin ang lahat ng mga sitio? Wala ho yata akong alam na barangay hall na pumapayag magpa-jumper patungo sa mga sitio.
Sa atin pong imbentaryo noong 2011, nalaman nating 32,441 sitio ang wala pang kuryente. Ang masaklap, noong araw, ang estimate pong gastos para pailawan ang isang sitio, halos isang milyong piso. Sa sobrang laki ng gagastusin, suntok sa buwan para magawa ito, di po ba? 32 billion pesos po, mahigit yan. Sa atin pong panunungkulan, yun pong halos isang milyong pisong gastos kada sitio, napababa natin sa humigit-kumulang 600,000 piso. Ngayon po, 31,862 sitio na ang ating napailawan; katumbas po yan ng 98.2 percent ng ating target. (applause) Sa Marso nga po sa susunod na buwan, inaasahan nating mapapailawan na ang lahat ng natukoy na sitio sa imbentaryo noong taong 2011.
Alam po niyo, yung pagkakaroon ng kuryente, napaka-importante, sabi kanina nagsalita, kung gusto man lang manood ng teleserye, wala silang pagkakataon, ang ilaw nila gasera lang o kaya kandila. Pero mas importante pa po dun, lalo na sa mga magsasaka, ang DA po o Department of Agriculture, may plano na magkakaroon tayo ng merkado gamit ang mga cellphone. Paano po yan? Magkakaroon ng talaan, sino ang meron, kung anumang produkto: palay, gulay, prutas, iba pa. Sasabihin po dito sa talaan na gamit ang cellphone kung gaano karami ang kanyang inaalok na ibenta. Meron naman pong babasa na nakalaan doon sa cellphone at magsasabi ng presyong gusto nilang bilhin. Suma-tutal po nito, dahil sa cellphone, at diyan sa ating bagong merkadong gagawing yan, at siyempre kailangan ng kuryente para ma-power yung cellphone, ibig sabihin po niyan, yung magsasaka ay puwedeng hindi umasa na sa dumadayong mamimili. Puwede siyang umasa sa maraming mamimili at makuha yung pinakasagad na presyo. Yung namimili naman po ay talagang makakatiyak ng pinakamagandang presyo rin na makukuha niya. Yan po ang Daang Matuwid, siguraduhing masagad ang benepisyo ng lahat. (applause)
Pagdating naman po sa pagbibigay ng insentibo sa mabuting pamamahala, 28 sa inyo pong 33 LGUs ang pinagkalooban ng tulong pinansyal mula sa ating Performance Challenge Fund mula 2011 hanggang 2015. Suma-tutal po: aabot ito sa halagang 110 milyong piso. Ganyan nga po sa Daang Matuwid, ang nagpapakitang-gilas sa serbisyo, marapat lang pong kilalanin at bigyan ng insentibo.
Sa kabila ng mga tagumpay na ito, hindi natin naging ugali na itaas ang sariling bangko, at sabihing “ako ang gumawa nito.” Natupad ang mga ito dahil sa pakikiisa ninyong mga Boss—mga Boss kong Novo Ecijanos. Tunay po: Kayo ang gumawa at patuloy na gumagawa ng pagbabago. Sa nakalipas na limang taon at walong buwan ng pagtahak sa Daang Matuwid, napipitas na natin ang bunga ng ating mga ipinaglaban.
Pinaglaban natin na ang Pilipinas, mula sa pagiging Sick Man of Asia, ngayon, isa na sa pinakamasiglang ekonomiya sa mundo. Pinaglaban natin na unemployment rate ngayon, maging pinakamababa sa loob ng sampung taon. Pinaglaban natin ang Pantawid Pamilya, kaya’t mayroon nang halos 84,000 kabahayan dito sa Nueva Ecija ang nakikinabang sa programa. Ngayong taon po, inaasahan na aabot na sa 4.6 milyong kabahayan ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. (applause) Ngayon pa lang po, nakikita na natin ang mabuting resulta ng Pantawid Pamilya. Sa tulong nito, 7.7 milyong Pilipino ang nakatawid na po sa tinatawag na poverty line. Pinaglaban nating palawakin ang saklaw ng PhilHealth, kaya dito po sa inyong probinsya, meron na pong 1.6 million na tayong kababayan ang naaruga ng estado.
Sa buong bansa naman po, saklaw na ng PhilHealth ang mahigit 92 milyong Pilipino. Pinaglaban din natin na sa pagbaba ko sa pwesto, makakapagpatayo at makakapagpondo tayo ng mahigit 185,000 classrooms sa buong bansa. Pinaglaban natin ang modernisasyon ng ating unipormadong hanay, na ngayon po ay maipagmamalaki na ang mga makabagong sasakyan at kagamitan.
Ngayon po, ang tanong: hahayaan ba natin ang lahat ng ating ipinaglaban nitong mga nakaraang taon, ay mababalewala at masasayang lamang? Sa ika-9 ng Mayo, haharap tayong muli sa sangandaan, at kailangan po nating magdesisyon. Ang hamon at panawagan sa atin: Sipatin maigi ang bawat kandidato. Doon ba tayo sa wala pang sapat na karanasan, o sa ngayon pa lang ay naghahari-harian na? Pipiliin ba natin ang kandidatong ang ipinagmamalaki noon ay pagiging abogado sa mga biktima ng Batas Militar, pero hinihikayat po maging katambal niya ang nagsasabing walang dapat ihingi ng paumanhin sa Batas Militar. Nang hindi po siya magtagumpay dito, ang kinuha niyang kakampi ngayon ay mismong namuno noon para pabagsakin ang pinaglaban nating demokrasya. Tapos ngayon, gusto po niya tayong paniwalain na gagawin niya ang tama pag siya po ang namuno sa bansa. Tanong ko po, yung mga dati mong kalaban, pinilit mong maging kasangga ngayon, kung tama ang ipinaglaban mo noon, yung kinakasama mo ngayon, tama rin kaya? Saan ka ba pupunta at saan mo kami dadalhin kung ikaw ang maging pinuno namin.
Kung nais nating magpatuloy ang ating magagandang nasimulan, kailangan natin ang mga pinunong totoong nakipasan sa bigat ng ating problema at tumulong sa solusyon. Yung hindi basta lang nangangako, kundi mayroon nang nagawa at patuloy pang nagtatrabaho. Yung walang bahid ng dungis ang pangalan; yung totoong inuuna ang bayan bago ang sarili. Para sa akin po: Walang iba yan kundi ang tambalang Mar Roxas at Leni Robredo. (applause)
Kayo po ang testigo, sa unang debate ng COMELEC, angat na angat sa mga kandidato ang tunay na may “K”: May kakayahan, may karanasan, may konsensya, may kalinga at pagmamahal sa kapwa, may katotohanan sa salita’t gawa, at syempre, may Korina bang kasama. Yan po si Mar Roxas. (applause) Dahil nga po siya lang ang tunay na may ‘K,’ marami po ang gusto siyang pabagsakin. Talaga naman pong ibang klase ang industriya ng negatibismo ng ilang may pansariling agenda. Kung ano ang ginawa nilang panlalait, pang-aalipusta, kasinungalingan, paninira, pangungutya sa akin noon, at hanggang sa kasalukuyan, siya rin pong ginagawa nila sa inendorso nating kandidato. Totoo nga po ang kasabihan: “Ang punong hitik sa bunga ang siyang pinupukol.” (applause)
Nang magkaroon ng krisis sa Zamboanga, lindol sa Cebu at Bohol, at nang humagupit ang bagyong Yolanda, nandoon po si Mar, at hindi iniwan ang ating mga kababayan hangga’t hindi maayos ang kanilang sitwasyon. Nang maging hepe noon sa DILG si Mar, nangalahati ang bilang ng krimen sa Kamaynilaan. Kaya iyong programa niyang tinatawag na Oplan Lambat-Sibat, ginagawa na rin sa ibang rehiyon. Nakalikha na siya ng maraming trabaho, tulad sa IT-BPO, yung mga call centers. Mahigit isang milyong trabaho na nga po ang nalikha ng industriyang ito, at target po nating mapataas pa ang kita nito sa 25 billion dollars ngayong taon at 1.3 million na direct employees. Iyan po si Mar Roxas: walang reklamo, walang drama, walang pasikat, trabaho lang. (applause) Sa akin ho kasi, napakadali ng pagsusuri. Doon ka ba sa tao na hindi tinataas ang sariling bangko o doon ka ba sa wala ng ginawa kung hindi pag may sakuna, darating magbibigay ng konting relief goods—sasabihin may malasakit na.
Mahalaga din pong piliin natin ang tama at nararapat na Vice President. Sabi nga ho nila, isang hakbang na lang sa pagiging pangulo, hindi puwedeng maski sino lang, puwede diyan. Lalo pa’t anumang mangyari sa Pangulo, ang sasalo ng resposibilidad ay ang pangalawang pangulo. Tiwala tayong magagampanan ito ni Leni Robredo. (applause) Iyon pong pagbabagong dinala ng asawa niyang si Jesse Robredo sa Naga, nangyari po yun dahil sa pakikiambag, suporta at sakripisyo ni Leni at ng kaniyang pamilya. Nang pumanaw si Jesse, nagsilbing ama’t ina ng kanyang tatlong anak si Leni. Bilang kongresista, ipinagpatuloy niya ang progreso ng Camarines Sur. Puwedeng makuntento na lang siya sa kanilang naiambag; puwedeng manatili na lang siya sa kanyang distrito. Puwede rin pong magretiro na lang at asikasuhin ang pamilya. Pero nang hiniling sa kaniyang maging Vice Presidential candidate ng Daang Matuwid, ito man ay panibagong sakripisyo sa kanilang mag-iina at hindi naiplano, muli niyang tinanggap ang hamon. Yan ang pambato natin para sa Bise Presidente na walang iba kung hindi si Leni Robredo. (applause)
Hindi ho biro maging pangulo ng Pilipinas, maraming hamong dadating, pag akala mo na'y sapat na ang kakayahan mo para malaktawan ang maski anumang hamon, may darating na mas matinding hamon. At importanteng makita natin ang katatagan ng loob at kakayahang magsakripisyo. Alam po niyo, isa sa pinakamahirap ko naging tungkulin sa pagiging Pangulo, ay nung pumanaw nga si Jesse Robredo, at kasalukuyang hinahanap namin. Si Leni po nung mga araw na yun ay hindi ko lubusang kakilala. Minabuti po ni Jesse na ihiwalay ang buhay ng kanilang pamilya sa buhay niyang pampubliko. Dumating ang panahon na kailangan kong ibalita kay Leni at sa kanyang mga anak, na hindi masyadong maganda ang ating inaasahang balita dahil lumampas na po yung 24 na oras at wala pa tayong balita kung ano na ang nangyari kay Jesse. Siguro ho, maski sinuman, maintindihan kung lumuha nung mga pagkakataong yun si Leni. Siguro ho, kung anuman ang lumabas sa kanyang bibig nung mga panahong yun, mauunawaan natin. Pero maniwala ho kayo sa akin, talagang napabilib tayo sa katatagan ng kalooban ni Leni. Talaga pong napadali niya ang isang napakabigat na kailangan kong daanan dahil nga ho talagang nasa kalooban niya, talaga pong nasa pagkatao niya ang pagiging matatag sa loob ng isang krisis.
Mga Boss, alam po natin ang ating pinanggalingan. Kung noon pa lang, ginawa na ng mga dating pinuno ang tama at makatwiran, di hamak mas malayo na sana tayo at mas malayo na ang ating narating. Kaya naman, ngayon, marapat lang po na siguruhin natin na tapat ang susunod na mga pinuno ng ating bayan. Gaya po ng pagtitiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin noong taong 2010, samahan sana ninyo ako sa labang pinangungunahan nina Mar Roxas at Leni Robredo; sila ang tiyak na ipaglalaban, magpapayabong at magpapalawak sa Daang Matuwid.
Mga minamahal kong Novo Ecijanos, ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba po kundi si Mar Roxas. (applause)
* * *


Yüklə 30,08 Kb.

Dostları ilə paylaş:




Verilənlər bazası müəlliflik hüququ ilə müdafiə olunur ©genderi.org 2024
rəhbərliyinə müraciət

    Ana səhifə