Talambuhay ni heneral miguel carpio malvar ni Dr. Edberto M. Villegas at Prof. Doroteo Abaya



Yüklə 111,07 Kb.
səhifə1/3
tarix21.04.2018
ölçüsü111,07 Kb.
#39474
  1   2   3

TALAMBUHAY NI HENERAL MIGUEL CARPIO MALVAR
ni Dr. Edberto M. Villegas at Prof. Doroteo Abaya



Si Heneral Miguel Carpio Malvar ay siyang pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas na itinayo ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio na hinirang bilang pinaka-unang pangulo ng bayan.
Siya ay nahalal bilang Pangkalahatang Komandanteng Heneral ng hukbong rebolusyonaryo ng Haring Bayang Katagalugan(HBK) ng Katipunan sa pangrehiyon na pamahalaan ng Batangas noong panahon ng himagsikan laban sa mga Kastila.
Naglunsad siya bilang pangulo ng Republika ng Pilipinas ng malawakan digmaang gerilya (1901 -1902) laban sa mga imperyalistang Amerikano sa buong kapuluan ng Pilipinas, kasama na ang Marianas(Guam) na may mga Pilipino itinapon ng mga Kastila sa islang ito.
Sa mga manipesto ikinalat niya sa Hukbong Rebolusyonaryo ng Bayan at sa masang Pilipino noong panahon ng digmaan laban sa mga Amerikano, binatikos niya ang monopolyo kapitalismo ng Estados Unidos at kinondena ang pagkukunyari ng gobyerno nito na taga-pagtanggol daw ng kalayaan ng mga taong pinagsasamantalaan nito.

_____________________________________

Si Miguel Malvar, pinakamatanda sa tatlong anak nina Kapitan Maximo Malvar at Kapitana Tiburcia Carpio, ay ipinanganak noong 27 ng septiyembre, 1865, sa baryo ng San Miguel ng bayan ng Santo Tomas sa lalawigan ng Batangas, mga 100 kilometro ang layo mula sa Maynila.
Ang mga magulang niya ay mula sa uring mayamang magsasaka na may ilang kasama na nagbubungkal ng lupa nila, subalit kasali din ang mag-asawang Malvar sa pagsasaka sa bukid. Sa katunayan si Tiburcia (Nanay Tibo) ay namatay dulot ng kapinsalaan sa katawan natamo niya ng magulungan siya ng isang malaking bato habang nagtratrabo sa kanilang bukid sa paanan ng bundok Makiling.
Kabataan
Namana ni Miguel ang kasipagan at pagiging malapit sa kalikasan ng kanyang mga magulang: “Halos hindi pa naglalaho ang kadiliman ng gabi ay bumubangon na si Miguel mula sa pagkatulog, babatiin ang pagdating ng liwanag buhat-buhat ang mga kasangkapang pambukid. Gumigising siyang maagang-maaga at uuwi lamang kapag sobrang dilim na at hindi na siya maka-paligidligid sa kanilang bukid.”(Misa, “General Miguel Malvar: The Last Insurrecto”, trans., 1963)
Sa kanyang pagtratrabaho sa bukid at pagsasalumuha sa mga magsasaka, natanto niya ang mga paniwala ng masa sa kagubatan – ang pagtiwala sa kapangyarihan ng anting-anting, ang alamat ng engkantadang na si Maria Makiling, tagaprotekta ng kayamanan ng bundok Makiling, ang mga halaman nito at malalaking puno na may mga ilang daang taon na ang gulang, ang mga hayop na gumagala sa kagubatan, mga baboy ramo, usa at manok labuyo at ang malilinis at makikinang na batis nito. Ang paniwala ng masa kaya hindi tamaan si Malvar ng bala ng mga Amerikano ay dahil may anting-anting daw ang heneral. Noong di siya masukol ng mga tropang Amerikano sa bundok Makiling bilang gerilya, tiwala ng masa ay nasa proteksyon siya ni Maria Makiling at nagpapalit anyo, halimbawa nagiging itim na paru-paro kapag malapit na ang mga kaaway.
Dahil lumaki si Malvar sa piling ng mahihirap na masa, lalo na ng mga taga-bukid, nabansagan siya ng taum-bayan noong heneral na siya ng Hukbong Rebolusyonaryo ng Bayan ng pangalan “Kawal ng Bayan” na ginamit naman niya bilang lagda sa ilang direkta militar na ipinalabas niya.
Maraming alagang hayop si Miguel mula kabataan, manok, baka, kalabaw, mga aso at kagaya ng ibang Batangenyo napakahusay niyang mangabayo at may pinapalaki din siyang mga kabayo sa kanilang ranso. Ang kahusayan niya sa pagaaruga sa mga hayop ay makikita sa isang insidente. Noong nawala ang isang tandang niya, nakilala agad niya ang pagtilaok nito sa bahay ng nagnakaw. Natuto at naging mahusay na manglalangoy si Miguel sa ilog ng Santo Tomas na nakatulong sa paghubog at pagpalakas ng kanyang katawan upang matiis ang buhay gerilya noong tinutugis na siya ng mga Amerikano sa bundok.

Edukasyon


Unang natutunan ni Miguel ang kanyang abakada sa elementaryang paaralan ng Santo Tomas at pagkatapos nito ay nagaral siya sa eskuwelan na pinapatakbo ni Padre Valerio Malabanan sa karatig bayan ng Tanauan. Ang isang naging kaklase niya sa maliit na pribadong institusyon ni Padre Malabanan ay si Apolinario Mabini na natugariang “Utak ng Rebolusyong Pilipino”. Tinuturuan ng Pilipinong pare na si Malabanan ang kanyang mga estudyante maging “di maramot na mga kaluluwa, mahinahon ngunit matatag”(Villamor, Industrious Men, trans., 1930) at kasama sa kanyang mga leksyon ang tungkol sa mga tao sa kasaysayan ng mundo na nakilala sa kanilang pagiging makabayan at may kamalayang panlipunan.
Pagkatapos niya sa pagaaral kay Padre Malabanan, nilipat si Miguel ng kanyang mga magulang sa isa pang eskuwelahan sa bayan ng Bauan kung saan nakumpleto niya ang ikalawang baytang ng latinidad. Bagaman may kakayahan ang pamilya ni Miguel na ipagpatuloy pagaralin siya sa isang unibersidad sa Maynila o di kaya sa Espanya, nagpasiya siya na bumalik na lamang sa pagsasaka ng kanilang lupa kung saan siya masiya. Minarapat na lamang niya na ang kanyang nakakabatang kapatid na si Potenciano ang siyang magaral sa mataas na lebel sa unibersidad at tinustusan ni Miguel mismo noong lumago ang kanilang kabuhayan ang pagtatapos ng medisina ng kanyang kapatid sa Espanya. Ang desisyon ni Miguel na bumalik sa gawain sa bukid ay di nangunguhulugan na binabalewala niya ang edukasyon, sapagkat noong bago siya namatay ang isang mahigpit na tagumbilin niya sa kanyang malaking pamilya ay “magaral ng mabuti dahil ang karunungan ay isang maaasahang mahusay na kaibigan at kasama sa buhay ng tao.” At sa isang direkta militar niya noong oktubre 28 hanggang 11 ng nobyiembre, 1901, nang hinahanap siya ng mga Amerikano, initusan niya ang lahat na pulitiko-militar na hepe ng bawat bayan, lalawigan, sona at departamento sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang presidente ng bayan na “paunlarin ang edukasyon sa elementarya ng mga kabataan na ito ay maging batayan moral ng paninidigan nila para isulong ang progreso ng ating bayan. Sila ay tuturuan sa pananampalataya sa Diyos, katungkulan sa mamamayan, pagibig sa bayan at ng kasaysayan ng ating digmaan para sa ating kalayaan.”
Si Malvar ay mahusay sa pagsusulat sa wikang espanyol at tagalog at may istilo siyang bilang isang makata sa kanyang mga sanaysay. Nagsikap din siyang matuto sumulat sa wikang ingles, bagaman di siya naging magaling dito na makikita sa ilan direkta militar na ipinadala niya sa mga nasa ilalim ng kanyang pamumuno na nakalathala sa salitang ingles.
Miguel Malvar naging Gobernadorcillo ng Santo Tomas
Ang pamilyang Malvar sa pagsisikap ay nakuhang mamili ng marami pang lupa sa Santo Tomas at sa paanan ng bundok Makiling. Lumawak ang kanilang sinasaka kaya dumating ang panahon na pinasok ni Miguel ang negosyo ng pagtatanim ng asukal at ng pagtrotroso. Nagkultiba din si Miguel ng plantasyon ng mga sintones at dahil sa kasanayan niya sa agrikultura nakahubog siya ng isang uri ng sintones sa Batangas na pinangalanan na “malvarosa”.
Sa paglawak ng kanilang ari-arian, naging isa sa pinakamayamang pamilya ang mga Malvar sa Santo Tomas at nabilang sa mga tinatawag na “prinsipalia” ng lalawigan ng Batangas. Noong 1889, nahalal si Miguel sa edad ng 24 bilang gobernadorcillo ng Santo Tomas. Nanilbihan siya sa posisyong ito ng dalawang terma, tig-dadalawang taon, mula 1889 hanggang 1892.
Pagaasawa
Noong 1891, nagpakasal si Malvar kay Paula Maloles, kaisa-isang anak ni Don Ambrosio Maloles, isa sa pinakamayamang tao sa Santo Tomas at capitan muncipal ng bayang ito. Laging kasama-sama niya ang kanyang asawa sa lahat ng kanyang aktibidades bilang gobernadorcillo, at kahit na sa bundok Makiling nang siya ay naging puganteng gerilya.
Sa katunayan, sinasama ni Miguel ang kanyang buong pamilya sa lahat ng kanyang naging pakikibaka sa buhay dahil masasabi napakalapit niya dito. Kasama niya ang mga nabubuhay na na mga anak niya at kanyang asawa sa Hongkong noong natapon siya sa lugar na ito at sa bundok ng Makiling at Banahaw. Nagkaroon si Miguel at Paula (si Ka Olay) ng 13 na anak, at labing-isa sa mga ito ay nabuhay hanggang katandaan. Sa 13 ng anak niya ang isa ay namatay sa hirap ng byahe mula Hongkong balik sa Maynila at ang isa ay namatay na sanggol pa sa bundok Makiling noong tinutugis si Malvar ng mga Amerikano.
Si Malvar at ang Pamilyang Rizal
Malapit si Malvar sa pamilyang Rizal na nakatira sa bayan ng Calamba, Laguna, dalawampung kilometro lamang ang layo mula sa Santo Tomas. Naging matalig niyang kaibigan ang nakakatandang kapatid ni Jose Rizal na si Paciano na natalaga din bilang isang heneral ng Katipunan. Noong panahon ng rebolusyon sa mga Kastila, ang tropa ni Malvar ay kumikilos sa bahagi ng Makiling sa Batangas, samantala yun naman kay Paciano ay sa bahagi ng bundok na ito sa Laguna. Bago sumiklab ang rebolusyon ng 1896, madalas naglalaro ng istukadahan tuwing sabado at linggo sina Malvar at Paciano sa bahay ng mga Rizal sa Calamba. Napakalapit ang pamilyang Malvar sa mga Rizal na humantong sa pagoopera ni Dr. Rizal ng kabingutan ng asawa ni Malvar na si Olay at ang paglaan ng isang libong piso(malaking halaga noong panahon na yun) ni Saturnina(Donya Neneng), pinakamantandang kapatid na babae ni Jose, sa negosyo ni Malvar na pagtrotroso. Di nagtagal, pinalago ni Malvar ng doble ang puhunan ni Saturnina sa kanyang negosyo. Ang naging asawa din ni Saturnina ay isang kamaganak ni Malvar, na nangangalan Manuel, at napangasawa ng pinakamatandang anak ng heneral na si Bernabe ang isang pamangkin ni Jose Rizal, anak ng kanyang pinakabatang kapatid na si Trinidad.
Ang Pakabigo ng reporma sa panahon ng mga Kastila



Dahil sa daang taon abuso ng mga Kastila sa mga tintawag nilang mga “indio”, nagkaroon sa wakas ng malawakan propaganda sa mga kasalanan ng mga mananakop na dayuhan noong 1888 nang itinatag ang Comite de Propaganda sa Manila. Sinundan ito ng ibang organisasyon na tinutulak ang mga reporma sa pamamalakad ng Espanya sa Pilipinas. Ang nangunguna sa mga repormang ito ay ang pagpaalis sa mga prayle mula sa Pilipinas at ang pagiging probinsiya imbes na kolonya ng Pilipinas na may reprensentasyon sa parlamento ng Espanya na Cortes. Sa M adrid ang unang isyu ng propagandistang dyaryo “La Solidaridad” ay lumabas sa susunod na taon 1889 sa ilalim ng patnugot nina M. H. del Pilar at Graciano Lopez Jaena. Noong 1892, itinayo naman ni Jose Rizal ang La Liga Pilipina upang isulong ang mga alternatibong programa sa ekonomiya para sa Pilipinas.
Sa Batangas ang mga kilalang anti-prayle ay si Felipe Agoncillo ng Taal, Ruperto Laurel at Apolinario Mabini ng Tanauan at ang mag-amang Maximo at Miguel Malvar ng Santo Tomas. Ang cura paroka ng Santo Tomas ay isang abuserong Kastila na si Padre Felix Garces, na may querida, na sinumbong ang mga Malvar sa gobernador heneral ng Batangas bilang mga subersibo at mga taga-gawa ng gulo. Nireklamo naman ni Miguel kasama ng 22 tao mula sa prinsipalia ng Batangas ang mga pangaapi ni Padre Garces sa mga mamamayan ng Santo Tomas sa isang sulat ipinadala sa gobernador heneral ng Batangas noong 4 ng junyo 1892, ngunit lalong naniwala ang huli sa mga paratang ng cura paroka laban sa mga Malvar.
Dumadalo si Miguel sa mga pulong ng La Liga Pilipina na tinatag ni Rizal noong 1892 at matalig niyang naging kaibigan si Andres Bonifacio sa organisasyong ito. Nang pinagbawal ang La Liga ng mga Kastila at nang tuluyang malagas ito noong 1894, sumanib si Miguel sa kilusang lihim ng Katipunan dahil nawala na din siya ng tiwala sa mga reporma.
Ang Haring Bayang Katagalugan
Mula pagdalo sa pulong sa Balintawak noong 1896 hanggang pakakabuo ng rebolusyonaryong departamento pangrehiyon ng Batangas noong 1897, ipinakita ng mga Katipunerong Batangenyo ang pagkilala sa Haring Bayang Katagalugan(HBK) ni Andres Bonifacio. Ang HBK ay itinayo batay sa mga prinsipyo ng tunay na kalayaan ng bayan na di dapat ikompromiso sa kaaway, ang kolonyaslimong Kastila.
Nang nabunyag ang Katipunan sa mga Kastila noong ika 19 ng agosto, 1896, kaagad nagplano ng isang malakihang pulong ng makabayang kilusang lihim si Andres Bonifacio, pangulo ng rebolusyonaryong pamahalaan ng bayan, ang HBK. Itinakda ang pulong sa Balintawak na nagsimula ng ika-23 ng agosto. Hinggil dito, nagpadala ng mga panawagan si Emilio Jacinto(ministro ng estado, HBK) sa mga lider ng mga manghihimagsik sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Cavite, Batangas at Morong(Rizal). Ang mga panawagan ay umabot din sa Bataan, Zambales, Camarines, Tayabas, Mindoro hanggang Ilocos sa hilagang Luzon at Palawan sa Bisayas.
Tumalima ang mga rebolusyonaryong Katipunan ng Batangas sa panawagan dumalo sa pulong sa kasukalan ng Balintawak kasama ang mga armadong lider at kawal sa iba’t-ibang lalawigan. Tunay na hinog ang kalagayan para ilunsad ang sandatahang pakikibaka. Nakasalimuha ng mga manghihimagsik na Batangueno ang iba pang makabayang pwersa na kumakatawaan sa Katipunan sa buong katagalugan o kapuluan na sa wari ni Dr. Pio Valenzuela ay umabot sa 20,000 ang bilang. Sa tantsya naman ni Manuel Sastron ay 123,500 ang bilang at kay T.H. Pardo de Tavera ang Katipunan at mga taga-suporta nito sa mga mamamayan ay umabot sa 400,000. Nagbunga ng ganitong kalaking bilang ang mga kasapi ng KKK mula pa noong gumawa ng mga batayang dokumento ang kilusang ito. Ang mga ito ay: “Casaysayan, Pingacasundoan, Manga daquilang cautosan”, enero, 1892; “Kasaysayan, Pinagkasundoan, Manga dakuilang kautusan”, agosto, 1892. Pormal na itinayo ang Kataastaasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan(KKK) noong ika-6 ng julyo, 1892.
Ang Pagsiklab ng Himagsikan 1896
Napagkasunduan sa pangkalahatang asembleya sa pangalawang araw(ika-24 ng agosto, 1896) sa nabanggit na pulong sa Balintawak na ilunsad na ang armadong pakikibaka laban sa kolonyalismong espanyol na pangungunahan ng rebolusyonaryong pamahalaan ng bayan na ipinahayag sa araw din iyon. Napagkayarihan na sa gabi ng 29 ng agosto ay sisimulan na ang sandatahang pagsalakay sa sentro ng pamahalaang Kastila sa kamaynilaan at sasabay ang mga rebolusyonaryong pwersa sa iba’t-ibang lalawigan.
Nang inilunsad ang malawakang armadong pakikibaka sa hilaga, silangan at sentro ng Maynila, natigalgal ang pamahalaang Kastila na sa pagtaya ni Heneral Echaluce, gobernador heneral ng Maynila, ay kamuntik ng bumagsak ang hukbo nila. Sa ulat ng mga konsulado ng iba’t-ibang bansa (Alimanya, Inglatera, Pransiya, atbp.) ang Maynila ay dapat ng lisanin ng lahat ng mga dayuhan at naghanda sila ng mga barkong sasakyan sa Manila Bay. Hindi na makapangulekta ng buwis at sedula sa napakaraming pueblo sa maraming probinsiya simula magpunit ng sedula sina Bonifacio sa Balintawak kaya nagkaroon ng krisis pangekonomiya ang pamahalaang Kastila.
Sa puntong ito, dapat na banggitin na hindi nakapagsagawa ng tuloy-tuloy na opensiba ang mga maghihimagsik na Katipunero dahil sa di-pagsipot ng mga pwersang dapat manggaling sa timog (Laguna at Cavite).Malaking pasalamat ni Heneral Echaluce sa naturang di-pagsipot ng mga tropa ni Aguinaldo.
Naging hudyat naman ang pagsalakay sa Maynila na pinamumunuan ni Andres Bonifacio para simulain din ang armadong pakikibaka sa buong kapuluan na sa bandang huli ay nagpabagsak sa kolonyalismong Kastila.
Mga Unang Laban ni Miguel Malvar
Sa pagsiklab ng rebolusyon laban sa mga Kastila noong agosto 1896, at pagdeklara ni Gobernador Heneral Camilo G. de Polavieya ng batas militar sa pitong probinsiya sa Luzon(Tarlac, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Cavite) at sa Maynila, agad pinapadakip ang mga hinihinalang taga-suporta ng Katipunan, katulad ng mag-amang Malvar. Nakatakas si Miguel sa pamamagitan ng paglundag mula sa pangalawang palapag ng kanyang bahay sa Santo Tomas, ngunit naaresto ang kanyang tatay. Kinulong at tinortyur ng mga Kastila si Maximo Malvar sa kwartel nila na nasa paanan ng bundok Makiling.
Nagreorganisa sina Malvar at sa pamumuno niya, sinalakay ng isang pwersa na may bilang ng 70 katao, armado lamang ng mga taga, kakaunting rebolber at shotgun ang himpilan ng mga pulis sa Santo Tomas. Sa pagkakataong ito, napalaya nina Malvar ang tatay niya sa pagkabilanggo sa kwartel ng mga espanyol.
Pagkatapos ng labanan sa Santo Tomas, inatake naman nina Malvar ang mga Kastila sa Talisay, Batangas, mula sa 3 hanggang 7 ng oktubre, 1896. Ngunit dahil sa matinding kontra-opensiba ng kaaway, napilitan sina Malvar umatras sa Cavite.
Ang Labanan sa Tulay ng Zapote
Sa Cavite, naatasan ang pwersa ni Malvar tulungan ang tropa ni Heneral Edilberto Evangelista sa pagtatanggol ng tulay ng Zapote sa atake ng mga Kastila. Sa pamumuno ni Malvar ng 1000 sundalo kasama ang tropa ni Evangelista, naging matindi ang labanang ito, mano a mano, at marami ang nasawi sa makabilang panig, kabilang na si Heneral Evangelista. Ngunit, napaatras nina Malvar ang sumasalakay na mga kastila sa tulay ng Zapote.
Pagkatapos ng sagupaan sa tulay ng Zapote, nagpatuloy ang pagabante ng hukbo ni Malvar at nalupig nila ang mga Kastila sa Pasong Camachille, San Francisco de Malabon. Sa mga tagumpay na ito ni Malvar, tinaas ang ranggo niya ng Rebolusynaryong Hukbo ng Pilipinas sa ilalim ni Andres Bonifacio sa tenyente-koronel.
Gumanti si gobernador heneral Camilo de Polavieja at inutusan niya noong 23 ng disyiembre, 1896, ang malawak na hamletting(paglilipat ng mga tao sa mga kampo kontrolado ng mga Kastila) ng probinsiya ng Cavite, Batangas, Laguna, Morong(Rizal), pati na ng Maynila. Noong enero 1897, ang atake ni Eleuterio Marasigan sa Balayan, Batangas, ay di nagwagi at ang kontra-opensiba naman ng mga espanyol sa bayang ito, Lian at Nagsubu ay napaatras ang mga Batangenyo sa Cavite uli.
Nagkuta si Malvar sa Indang, Cavite
Noong febrero, 1897, pagkatapos ng opensiba niya sa Bacood, Cavite, sinalakay naman ng tropa ni Malvar ang mga kaaway sa Indang na nagtagumpay. Pinalawak niya ang opensiba laban sa mga kaaway sa Bailen, Magallanes at Alfonso, lahat ay nasa Cavite. Sa mga nagawang ito ni Malvar, tinaas muli ang ranggo niya sa tenyente-heneral ng Hukbong Pilipino.
Nagkuta sina Malvar sa Indang, kung saan nagtatag sila ng isang pangrehiyon departamento para sa probinsiya ng Batangas. Si Malvar ang napiling na pangkalahatang Komandante Heneral na pinamumunuan ang Talisay, Santo Tomas, Tanauan at Lemery. Ang iba pang napili mga opisyales, na marami ay myembro ng tinatawag na Madiwang sa Cavite, ay sina: Lorenzo Fenoy, bise president, Ananias Diokno, direktor ng digmaan, Santiago Rillo, direktor ng panloob(interior) at Eleuterio Marasigan.
Habang nagkukuta si Malvar sa Indang, naganap ang kumperensiya sa Tejeros, kung saan pinatalsik ng grupo ni Emilio Aguinaldo si Gat Andres Bonifacio bilang pinuno ng Haring Bayang Katagalugan(HBK) o ang unang Republika ng Pilipinas.

Ang Kataksilan ni Emilio Aguinaldo at ang Kumperensiya sa Tejeros


Sa loob ng rebolusyonaryong kilusan umusbong ang oportunistang grupo ni Emilio Aguinaldo na lumihis sa wastong landas ng kalayaan na naging kapahamakan ng pakikibaka. Ito ang nagdulot ng pinakamalaking pinsala sa kilusang mapagpalaya mula ng itatag ang Katipunan. Gumamit ng panlalansi, pandaraya, maitim na propaganda at pananakot ang oportunistang pangkat ni Aguinaldo upang sunggaban ang pamumuno sa kilusan. Ilang buwan pa bago ang halalan sa kumperensiya sa Tejeros noong ika-22 ng marzo, 1897 ay may mga hakbang nang isinagawa ang pangkat ni Aguinaldo na agawin ang pamumuno ng rebolusyon para sa makasariling interes ng mga cacique/inqulino(mga mayayamang Pilipino tagapangasiwa ng mga hasyienda ng ordern reliyoso ng mga prayleng Kastila) tulad ng pamilyang Aguinaldo.
Noong oktubre 31, 1896, naglabas ng dalawang pahayag para sa buong kapuluan ang di-umanoy “rebolusyonaryong gobyerno” nina Baldomero Aguinaldo(pinsang buo ni Emilio) bilang president at si Emilio Aguinaldo naman bilang Pangkalahatang Komandante(Commander in Chief). Pagdating ng ika-31 ng disiyembre sa isang pulong ng mga Katipunero sa Imus, Cavite, nagmungkahi si Baldomero Aguinaldo na lusawin na ang Katipunan at itayo ang isang pamahalaan na pamumunuan ni Edilberto Evangelista bilang president(ito ay bago ang labanan sa tulay ng Zapote). Ang batayan ng nasabing gobyerno ay isang konstitusyon na sinulat ni Evangelista. Sinagot ito ni Bonifacio sa isang paliwanag na mayroon na ang Haring Bayang Katagulugan(HBK) ,ang rebolusyonaryong pamahalaan, na mga demokratikong panuntunan na nakasaad sa mga batayang dokumento nito at sa katunayan ang konstitusyon na nabanggit na ginawa ni Evangelista ay kinopya lamang sa sinulat ni Maura, isang ministro sa gobyerno sa Espanya. Binanggit din ni Bonifacio na ang HBK ay nabuo hindi lamang sa Maynila ngunit sa mga karatig probinsiya at bayan.
Marzo 17, 1897, limang araw bago pa ng eleksyon sa Tejeros(marzo 22, 1897) na kung saan kunwari di siya makakadalo, si Emilio Aguinaldo ay nag-asta at nagpakilala na bilang presidente ng rebolusyonaryong pamahalaang republika sa kanyang tangkang pakikipagnegosasyon sa mga Kastila para isuko ang higmagsikan. Noong marzo 1897 ipinadala ni Nicolas de la Pena, auditor heneral ng hukbo ng mga Kastila sa Pilipinas si Padre Pio Pi, isang pareng superior ng orden jesuita para sumulat at makipagusap tungkol sa kapayapaan kay Emilio Aguinaldo na tinanggap naman ng huli. Sinulatan din ni Rafael Comenge, piskal heneral ng gobyernong kolonyal, si Aguinaldo para sa isang usapang pangkapayapaan. Sa kanyang sagot sa mga sulat na ito lumitaw ang pagiging manggagantso ni Aguinaldo dahil nagpakilala siya bilang president ng republika. Binanggit din ni Aguinaldo na isusuko niya ang rebolusyon at mananatili ang paghahari ng mga Kastila sa Pilipinas kung patatalsikin lamang ang mga prayle, magkaroon ng kinatawan sa Kortes(parlamento ng Espanya) at iba pang konsesyon. Naginit ang ulo ni Bonifacio nang makita niya ang mga sulat ng mga Kastila na ang gustong makausap ay ang palasukong nagpanggap na presidente ng republika. Kay Bonifacio malinaw na ang pambansang kalayaan ay di maaaring ikokompromiso. Ang nabistong lihim na pakikpagnegosasyon ni Aguinaldo(na nagmungkahi pa sa mga Kastila ng petsa sa usapan) ay insinulat ni Bonifacio sa isang liham kay Emilio Jacinto. Wika ni Bonifacio sa lihim na ito “nakakasuka” ang mga pinagagagawa ni Aguinaldo na katraiduran. Hindi natuloy ang usapang pangkapayapaan ni Aguinaldo sa mga Kastila dahil sa nabawi ng mga Kastila ang halos buong Cavite sa panibagong opensiba nila.
Bukod pa sa lihim ng tangkang pagnenegosasyon ni Aguinaldo para isuko ang rebolusyon, ang pangkat niya ay naglunsad na maitim na propaganda sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga polyeto na kung saan inilalahad na si Bonifacio daw ay binayaran ng mga prayle upang ilunsad ang rebolusyon na tiyak na matatalo daw, na si Bonifacio ay isang hamak na bodigero sa Maynila, na ang kanyang kapatid na babae ay querida ng mga Kastila, na pinasunog niya ang ilang simbahan sa Cavite at nagtakbo ng pondo ng kilusan at iba pang paninirang-puri. Ang nagsasagawa ng mga paninirang ito ay si Daniel Tirona, kapanalig ni Aguinaldo.
Pagdating ng marzo 22 sa Tejeros, handa na lahat ng sangkap para sa isang lutong-makaw na eleksyon na pipinuhin na lang dahil alam na kung sino ang lalabas na presidente(si Aguinaldo) at iba pang opisyal galing sa pangkat ni Aguinaldo na ang tawag ay Magdalo at baligtad na Magdiwang na makamagdalo. Si Mariano Trias, isang baliktad na Magdiwang ay naging bise-presidente at siya ay nominado ni Baldomero Aguinaldo. Ang mga pekeng balota ay ginamit para makatiyak na panalo ang mga manok ng mga kutsyabahang Magdalo at Magdiwang. Halos sa lahat ng balota iisang tao lamang ang nagsulat bago pa ng eleksyon, na natuklasan ni Diego Mojica at ibinulong kay Bonifacio. Si Emilio Aguinaldo kagaya na nabanggit sa itaas ay di dumalo sa pulong sa Tejeros at nagkunwaring na sa ibang lugar at nakikipaglaban sa mga Kastila. Si Bonifacio ay nahalal bilang kalihim panloob(Interior Secretary) dahil gabi na at di na gumamit ng balota at taasan nalang ng kamay. Sa puntong ito, tumindig si Daniel Tirona at pinawawalang bisa ang pagkahalal kay Bonifacio dahil wala daw siyang diploma(si Aguinaldo ay wala din diploma) at kailangan daw isang abogado ang maging kalihim panloob. Sa pagiinsultong ito na nilabagan ang kasunduan bago iganap ang halalan na rerespektuhin ang anumang resulta ng eleksyon kahit na mababa lang ang inabot na pormal na pagaaral ng nahalal, nagbunot ng baril si Bonifacio at umalis sa pulong ng Tejeros kasama ang mga karamihang Magdiwang. Sabi niya di niya kinikilala ang resulta ng halalan na ito sa Tejeros. Lingid sa kaalaman ng mga rebolusyonaryong pwersa ng HBK sa Maynila at sa iba pang lalawigan ang limang buwang paghahanda ng oportunistang grupo ni Aguinaldo para tanggalin ang pangulong Bonifacio ay nagbunga sa Tejeros.

Yüklə 111,07 Kb.

Dostları ilə paylaş:
  1   2   3




Verilənlər bazası müəlliflik hüququ ilə müdafiə olunur ©genderi.org 2024
rəhbərliyinə müraciət

    Ana səhifə