Talambuhay ni heneral miguel carpio malvar ni Dr. Edberto M. Villegas at Prof. Doroteo Abaya



Yüklə 111,07 Kb.
səhifə2/3
tarix21.04.2018
ölçüsü111,07 Kb.
#39474
1   2   3
Kinabukasan, nagpulong uli ang mga Katipunero sa pamumuno ni Bonifacio sa Tejeros at nagpalabas ng Acta de Tejeros kung saan pinuna nila ang naging dayaan sa nakaraang eleksyon na gumamit ng mga pekeng balota. Sabi din sa Acta de Tejeros walang representante ang Katipunan mula sa iba’t-ibang lalawigan sa naturang eleksyon. Nagpahayag sila na ang eleksyon ito ay di kinikilala ng HBK. Ang mga maniobra ng palasukong pangkat ni Aguinaldo na ibig ipagbili ang rebolusyon sa mga Kastila ay luminaw na at di na mailingid sa pwersa ng HBK sa Maynila, Laguna, Bulacan, Tarlac, at lalo na sa Batangas, karatig lalawigan ng Cavite.
Ang Pagpatay kay Andres Bonifacio ng Pangkat ni Aguinaldo
Nagkaroon ng masinsinang paguusap sina Bonifacio at Malvar sa Indang Cavite, pagkatapos ng maanomalyang eleksyon sa Tejeros. Pinagusapan nila ang plano ng pagsalakay sa walong garrison o himpilang militar ng mga Kastila sa Batangas. Sasalakayin ang Lipa at pagkatapos magpapalawak ang kilulsan sa Camarines.
Alam ni Malvar ang katraiduran na nangyari sa Tejeros at hindi niya matanggap ang balakin na isuko ang armadong pakikibaka sa mga Kastila. Ang tindig ni Malvar ay ang anumang balakin ay dapat na nakatuntong sa batayan ng pambansang demokrasiya at hindi dapat kalian paman humiwalay sa prinsipyong ito. Kaya patuloy kinikilala ni Malvar ang HBK, ang rebolusyonaryong pamahalaan nina Bonifacio.
Umabot sa kaalaman ni Aguinaldo ang usapan at ugnayan nina Bonifacio at Malvar kaya agad naglabas siya ng memorandum bilang babala kay Malvar(pangulo ng rebolusynaryong departamento ng Batangas) na kilalanin niya ang gobyerno ni Aguinaldo dahil daw siya ang nahalal na bagong pangulo sa Tejeros at kung hindi ay gagawaran si Malvar na mabigat at kagyat na kaparusahan. Nagpadala din ng babala si Aguinaldo sa iba’t-ibang kapanalig ni Bonifacio. Pagkaraan ng ilang araw, nagpadala ng mga mamatay tao si Emilio Aguinaldo sa pamumuno ni Koronel Agapito Bonzon sa kuta ni Gat Andres sa Limbon, Cavite. Mainit ng tinanggap ni Bonifacio ang pwersa ni Bonzon bilang mga kapatid sa kilusan ngunit di niya akalain na biglang pagtatagain sila ng pangkat ni Bonzon na kinamatay ng isang kapatid ni Gat Andres, si Ciriaco, at kinasugat pa ng isa pa na si Procopio.Tinangkang pang gahasain ang asawa ni Gat Andres na si Gregoria de Jesus. Sa insidenteng ito, nagsugatan din si Gat Andres.
Pagkatapos na agarang paglilitis, na inakusahan si Bonifacio na balak ipapatay daw si Aguinaldo, hinatulan ng kamatayan ang magkakapatid na si Andres at Procopio, na parehong sugatan dahil sa pagkataga. Noong may 10, 1897, dinala agad ang magkapatid sa bundok Nagpatong sa Cavite ng tropa ni Lazaro Makapagal at isinagawa ang pagpatay. Binaril si Procopio at ginamitan ng bayoneta at itak upang todasin si Gat Andres. Nagpadala rin sa Maynila ng mga mamamatay tao si Aguinaldo upang itumba sina Emilio Jacinto, Julio Napkil at iba pang malapit kay Bonifacio. Ngunit, nakaiwas sina Jacinto at Napkil sa maitim na balak na ito. Nang di madatnan ng pangkat in Aguinaldo si Jacinto sa kanyang tinitirihang dampa, tuluyan na lamang sinunog ito.
Ang Kasunduan sa Biyak-na-Bato at si Malvar
Pagkaplipol kay Bonifacio, nagkaroon si Emilio Aguinaldo ng pagkakataon sa wakas para isakatupran ang pagnanasa niya tuluyang ibenta sa mga Kastila ang rebolusyon. Sa kanyang pag-atras sa Biyak-na-Bato sa Bulacan, ang naudlot na negosasyon ni Aguinaldo sa heswitang Padre Pio Pi at piskal-heneral Comenge ay itinuloy niya kay gobernador-heneral Primo de Rivera. Kinasangkapan bilang tulay ni Aguinaldo si Pedro Paterno, isang mayaman na taga-Maynila. Ang “pagkakaisa para sa kabutihan ng kilusan” na ginamit na dahilan ni Aguinaldo at mga galamay niya tulad nina Heneral Pio del Pilar at Heneral Mariano Noriel para iligpit ang mga magkapatid na Bonifacio ay nangangahulugan lamang pala ng pagkakaisa upang isuko ang armadong pakikibaka kapalit sa tatlong milyong piso na nakuhang mapababa ng mga Kastila sa 800,000 na ibibigay nila kina Aguinaldo. Malinaw na ito ang dahilan kung bakit pinapatay ni Aguinaldo si Bonficaio at mga kapatid nito sapagkat sila ay matinding tumututol sa pagsuko ng sandatahang pakikibaka.
Habang nakikipagusap si Aguinaldo sa mga Kastila sa ikalawang bahagi ng taong 1897, lalong pinaigting ni Malvar ang armadong pakikipagtunggali sa mga kaaway sapagkat marubdob ang pagtuligsa niya sa ginagawang pagbebenta sa rebolusyon. Sa pamumuno ni Malvar, sinalakay at pinatalsik ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga sundalong Kastila sa San Pablo, Laguna, noong ika 9 ng oktubre, 1897. Nagkaripasan ng takbo ang mga kaaway kaya nakuha ng mga Katipunero ang buong bayan sa loob ng tatlong araw. Sa paglusob sa San Pablo, nasa ilalim sa pamumuno ni Malvar, bukod sa kanyang sariling tropa, ang daan-daang armadong mandirigma ni Heneral Agueda Kahabagan, na dinadagan pa ng maraming tagasundo ng lider colorum na si Sebastian Caneo na nakabase sa bundok San Cristobal sa Laguna at gayun din ang mga kasama ng bandidong maka-masa na si Aniceto Oruga mula sa Tanauan. Nakabalilk lamang sa ika-apat na araw sa San Pablo ang mga Kastila sa pamumuno ni Heneral Jaramillo pagkatapos ng isang madugong sagupaan halos sa bawat bahay.
Noong huling bahagi ng oktubre, kasama pa rin ni Malvar sina Kahabagan, Caneo at Oruga sa pagatake at pag-okupa sa Tuy, Batangas, at noong ika 9 ng nobyiembre nilipol naman ng mga rebolusyonaryo ang mg kazadores ng batalyon 11 sa baryo Sta. Clara, Santo Tomas. Sa panahon ding ito sumunod ang magdamagan labanan sa Tanauan at maraming nabihag na kolaboreytor sina Malvar. Pakalipas ng ilang araw, matagumpay na tinangay ng mga mandirigmang Pilipino ang isang barkong pandigma ng mga Kastila sa lawa ng Talisay kasama ang mga kanyon at riple. Nalupig lahat ng tropa ni Malvar ang mga sundalong Kastila sakay ng barko.
Noong ikalawang bahagi ng disyiembre 1897, natapos na ang usapan sa pagitan nina Aguinaldo at gobernador-heneral Primo de Rivera sa Biyak-na-Bato. Nakasundong tatanggap ng P800,000 ang grupo ni Aguinaldo, isusuko na ang armadong pakikibaka at luluwas patungong Hongkong. Kaugnay nito, nagtawag si Heneral Artemio Ricarte ng pulong ng mga heneral na nasa larangan ng digmaan upang talakayin ang kasunduan sa Biyak-na-Bato. Sa pulong na ito, mariing kinondena at tinutulan nina Malvar at Heneral Paciano Rizal ang kasunduang nagsusuko sa rebolusyon at pananatili ng pamahalaang kolonyal ng mga Kastila. (Matatandaan na ganito rin ang paninindigan ni Bonifacio.) Binalaan ni Aguinaldo ang mga tumututol sa kasunduan sa Biyak-na-Bato.
Nasa Hongkong na si Aguinaldo at kanyang pangkat nang itigil ni Malvar noong ika-6 ng enero ang putukan sa mga sakop niyang lugar. Saka na lang sumunod siya sa Hongkong, ngunit di siya nanirahan sa bahay na inarkela ni Aguinaldo para sa sarili at kanyang grupo sa lugar na ito. Imbes, tumigil si Malvar kasama ang kanyang pamilya sa bahay ng kanyang kababayan na si Dr. Galicano Apacible. Naidiposito na ni Aguinaldo ang unang bayad ng mga Kastila sa pangkat niya na P400,000 sa kanyang mismong account sa Chartered Bank ng Hongkong.
Ang Pakikipagusap ni Aguinaldo sa mga Amerikano
Bago tumulak papuntang Hongkong si Aguinaldo noong ika 29 ng disiyembre, 1897, ininterbyu siya ng isang peryodista ng El Imparcial (isang dyaryo sa Madrid). Binanggit ni Aguinaldo na naghimagsik siya hindi para sa ganap na kalayaan ng Pilipinas kundi upang patalsikin lamang ang mga prayle at para sa iba pang reporma. Binanggit din niya na pinapatay niya si Andres Bonifacio na isang “masamang tao” dahil ganap na kalayaan ng Pilipinas ang pinaglalaban nito na di sinasangayunan niya. Ito daw din ang dahilan kaya pinalusaw niya ang Katipunan pagkapatay kay Bonifacio. Inamin ni Aguinaldo na nagkamali siya ng landas sa paghawak ng armas dahil ang tanging pakay niya ay kapayapaan. Kaya lahat ng hindi tumanggap sa kasunduan sa Biyak-na-Bato ay tinuturing niya mga “tulisan” na lang.
Habang nasa Hongkong ang pangkat ni Aguinaldo, sumiklab ang digmaan ng mga Amerikano laban sa mga Kastila. Kinausap ng mga Amerikano sa pagkatao ni Consul General Wildman ng Hongkong si Aguinaldo hinggil sa posibleng pagtulong ng mga Pilipino sa kanila laban sa mga espanyol. Ayun kay Wildman at Consul General Pratt ng Singapore, ibibigay na Estados Unidos(E.U.) ang hinahangad na kalayaan ng mga Pilipino kapag nalupig na nito katulong ang mga Amerikano ang mga Kastila sa Pilipinas. Naniwala naman si Aguinaldo na nagpapanggap bilang lider ng kabuoang hukbo ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa pangako ng mga Amerikano kahit na walang kasulatan nilagdaan ang mga representante ng E.U.
Patuloy ang Rebolusyon na tinalikuran ni Aguinaldo
Sa katunayan, bagaman pinapababa ni Aguinaldo ang armas ng kanyang mga kababayan pagkatapos ng natanggap niya ang unang bayad na P400,000 mula sa mga Kastila ayun sa kasunduan ng Biyak-na-Bato, nagpatuloy ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas. Noong ang pangkat ni Aguinaldo ay nasa Hongkong, naglunsad ng digmaang gerilya ang mga naghihimagsik sa mga lalawigan ng Pilipinas at naglipat ng mga tropa ang mga Kastila ng malaking bulto ng kanilang hukbo sa kanayunan kung saan nagtayo sila ng mga garrison upang harapin ang mga atake ng mga gerilyang Pilipino. Naiwanan ang Kamaynilaan na mahina ang depensa na di nagtagal napalibutan ng mga gerilyang Pilipino ang lungsod na ito at malapit ng bumagsak kung di lamang pinigilan ni Aguinaldo ang paglusob dito ng bumalik siya mula sa Hongkong kasama ang mga Amerikano.(Tatalakayin sa baba) Mula enero hanggang abril, 1898, sa Gitnang Luzon nakapagtayo na ang mga Katipunan sa pamumuno ni Heneral Makabulos at Valentin Diaz ng mga rebolusyonaryong pamahalaan sa probinsiya ng Tarlac, Pampanga, Pangasinan, La Union at Nueva Ecija. Sa hilagang Luzon naman libo-libong Ilokano sa kumand ni Isabelo Abaya ay sumalakay sa hukbo ng mga Kastila at nagtatag ng pamahalaan sa Candon, Ilocos Sur. Ganoon din ang nangyari sa Cebu sa pamumuno ni Leon Quilat at sa Laguna sa liderato ni Emilio Jacinto at Paciano Rizal, sa Maynila sa kumand ni Feliciano Jhocson at iba pang lugar sa Luzon. Ito ay nagpapakita na bagaman tinawag ng palasukong Aguinaldo na “mga bandido” ang mga di sumusunod sa kasunduan sa Biyak-na-Bato, ang rebolusyong Pilipino ay di humupa.
Si Malvar at ang Kongreso ng Malolos
Samantala, pagkatapos ng pakikipagusap niya kay Admiral George Dewey, pinuno ng Pacific Fleet ng Amerikano na nakadaong sa Hongkong, sumama si Aguinaldo at kanyang pangkat sa pwersang pandagat ng admiral lulan ng barkong McCulloh pabalik sa Maynila noong ika 17 ng mayo, 1898. At noong ika 15 ng junyo 1898, tatlong araw pagkaraang ideklara ni Aguinaldo at mga kapanalig nito ang independensiya ng Pilipinas sa ilalim ng proteksyon ng E.U., dumaong naman sa Cavite ang SS San Juan mula sa Hongkong sakay si Malvar na may dala-dalang 2000 na armas. Nireorganisa ni Malvar ang mga pwersa sa Batangas at naglunsad ka agad sila ng sunod-sunod na opensiba laban sa mga natitirang tropa ng mga Kastila sa lalawigang ito hanggang probinsiya ng Tayabas. Napalaya ng pwersa ni Malvar ang Tayabas noong 17 ng agosto.
Ng sumuko ang gobyernong Kastila sa pwersa ng mga Amerikano noong ika-13 ng agosto, 1898, sa kunyaring labanan na tinawag na “mock battle of Manila” di pinapasok ng tropa ng mga Amerikano sa loob ng Maynila ang mga rebolusyonaryong Pilipino na matagal na napikot ang lungsod na ito. Ang pagpwera ng tropang Amerikano sa pagpasok ng mga sundalong Pilipino sa Maynila batay sa lihim na kasunduan nila sa Kastila na kondisyon sa kunyaring labanan ng mga dayuhang ito sa isa’t-isa ay sinuportahan ni Aguinaldo na nalinlang na aalis ang mga Amerikano pagsuko ng kanilang kaaway na Kastila. Ang pagbawal ng mga Amerikano sa mga Pilipino sa pagpasok sa Maynila ay ikinagalit ng ilang heneral ng rebulosyonaryong hukbo, sa partikular ni Heneral Artemio Ricarte.
Pagkatapos ng pagsuko ng mga Kastila sa mga bagong mananakop, giniit ng pangkating Aguinaldo ang kanilang kapangyarihan matatag ng isang kongreso nang ipinoraklama ang independensiya ng Pilipinas sa kanyang bahay sa Kawit Cavite noong ika-12 na junyo, 1898. Kahinala-hinalang di dinaluhan ng kahit anumang representante ng E.U. ang proklamasyon ng kalayaan na ito ng Pilipinas kahit na ipinailalim ni Aguinaldo sa kanyang opisyal na talumpati sa okasyong ito ang “bagong pamahalaan” niya sa proteksyon ng E.U. Wala din dumalo ng mga representante ng Katipunan na patuloy kumikilos sa mga probinsiya bagaman “nalusaw” na daw ang Katipunan ayun kay Aguinaldo sa pamamagitan ng isang ipinalabas niyang dikreto noong junyo 1897 pagkapatay niya kay Bonifacio. Sa kongreso naman na ginanap sa simbahan ng Barasaoin sa Malolos, Bulacan, nagsanib ang mga mayayaman ng Maynila at mga cacique na karamihay mga kampon ni Aguinaldo galing sa Cavite. Karamihan din ng mga delegado sa kongreso ay hindi galing sa mga probinsiyang kinakatawan nila at ¾ sa lahat ng mga ito ay hinirang lamang ni Aguinaldo. Sa inihandang konstitusyon ni Felipe Calderon nagbigay ng malaking kapangyarihan sa lehislatibong sangay ng gobyerno na dominado ng mga mayayamang ilustrado at pinahina ang ehekutibong sangay kung saan nandito naman ang mga heneral na nasa buhay at kamatayan pakikibaka pa sa mga probinsiya. Sa tingin ni Calderon hindi nararapat palakasin ang sangay ng ehekutibo dahil ang mga kasapi nito ay mga ignorante at walang gaanong pinagaralan tulad ni Malvar. Nagpanting ang tenga ni Malvar nang malaman niya na itinuring silang mga mangmang, sila na parating nasa bingit ng kamatayan sa pakikihamok. Silang pinapanalo ang maraming labanan dahil sa talas ng pagaanalisa sa istratehiya at taktika na naipapatupad nila sa kanilang mga kawal, samantalang ang mga mayayaman kagaya ng mga Calderon, Paterno at Buencamino, mga delegado ni Aguinaldo, ay panay dakdak lamang sa madla at nagpapasarap sa gitna ng mga saganang pagkain at pagpapasikat sa iba lalo na sa mga magagandang binibini. Tinangka ni Malvar arestuhin ang pamangahas na si Calderon at pinainan niya ito na pumunta ng Cavite para doon mabitag. Ngunit, mukhang nakaamoy si Calderon sa balak ni Malvar kaya nakatakas siya tungong Maynila. At di nagtagal karamihan sa mga delegado sa kongreso sa Malolos kagaya ni Calderon ay tinalikuran ang pakikibaka ng bayan para sa kalayaan at nagpasukob o sumama na sa mga Amerikano.
Ang digmaang Pilipino-Amerikano
Noong ika-4 ng febrero 1899 ginamit ng pwersang militar ng E.U. ang insidente sa tulay ng San Juan bilang dahilan sa biglaang malakihang pagsalakay at kolonisasyon ng Pilipinas. Inamin ni Heneral Arthur McArthur sa kongreso ng E.U. na ang nangyari sa San Juan ay isa lamang panlalansi para sa kanilang nakaplano nang pagtatatag ng kapangyarihan ng E.U. sa Pilipinas. Pagkaraan ng walang humpay na opensiba ng mga imperyalistang pwersa sa Maynila at karatig pook, nagplano sina Hen. Malvar at Antonio Luna kasama ang iba pang heneral para sagkain ito. Gumawa sila ng kontra-opensiba upang bawain ang Maynila sa kamay ng mga bagong mananakop at ang bawat heneral kalahok sa planong ito ay nabigyan ng atas kasama ang Kawit batalyon. Ngunit, ang plano ay nabulilyaso at bahagi lamang ng Maynila ang nabawi sa kaaway dahil sa di pagsipot ng Kawit batalyon ni Aguinaldo, na ibig tumanggap lamang ng utos kay Aguinaldo. Tandaan ganito din ang nangyari ng sinalakay nina Bonifacio ang Maynila noong ika-29 ng agosto, 1896, nang ang pwersa mula sa Cavite ay di dumating.
Noong mayo, 1899, isang buong brigada, bumibilang ng tatlong libong mandirigma, ng mga Katipunan sa pamumuno ni Malvar ay naglunsad ng nakakayanig na opensiba sa mga tropa ng mga Amerikano sa Muntinglupa sa ilalim ni Heneral Otis. Kasama sa malawakang atakeng ito ang Banahaw batalyon ni Sebastian Caneo, ang matagal na kakampi ni Malvar. Noong junyo at mga unang linggo ng julyo, dalawang beses na binigo ng tropa ni Malvar ang pagdaong sa mga pampang ng Laguna de Bay ng pwersang Amerikano. Ngunit, sa huling linggo ng julyo ang mga Amerikano sa pamumuno ni Brigadaire General Robert Hall ay nakadaong sa wakas at sumalakay at pagkatapos naokupa ang bayan ng Calamba sa Laguna. Kagyat naman kumilos ang tropa ni Malvar at sinimulaan ang limang buwang, mula agosto hanggang disyiembre, 1899, pagkubkob sa Calamba, mula sa mga trintsera itinayo ng mga Filipino paligid sa bayang ito. Nagulantang sa pagkakakubkob ang mga sundalong Amerikano na may sampung kompanya bumubuo ng 21st Infantry sa kumand ni Col. Jacob Klein. Nalagay sa depensiba ang mga kaaway dahil sa walang tigil na pamamaril sa kanila ng pwersa ni Malvar na nagdadagan pa ng Banahaw at Makiling batalyon. Ang mandirigmang Pilipino ay wala din humpay ang pasalakay laban sa mga Amerikano mula sa kanilang mga trintsera. Walang nangyari sa kontra-opensiba ng mga Amerikano na karamihan sa kanila ay nagkaroon ng malaria at iba pang sakit at daan-daan ang nalagas kung di man namatay ay bumagsak ang katawan dahil sa pagdedeliriyo at pagkanerbiyos. Bagaman hindi tuluyang nabawi ang Calamba ay tagumpay na rin dahil sa tinamong malaking pinsala ng mga Amerikano.
Ang Bagong Hukbong Magpapalaya Ng Bayan

Tuluyan ng gumuho ang palasuko at huwad na pamahalaan ni Aguinaldo, na tinawag ni Mabini na “tanga at sakim sa kapangyarihan”, nang siya ay mahuli ng mga tropang Amerikano sa Palanan, Isabela, noong abril 1901 at kagyat siyang sumumpa ng katapatan sa imperialismong E.U. Noong nahuli si Aguinaldo sa tangkang niyang kunin ang simpatiya ng mga mananakop, pinagtapat niya sa opisyal na dumakip sa kanya na siya ang nagpapatay din kay Hen. Antonio Luna, na isang malupit daw na tao. Binayayaan naman siya ng kanyang mga bagong among Amerikano nang bigyan siya ng posisyon bilang myembro ng board of directors, na napakataas ang sweldo, sa Philippine mining company(naging Protor and Gamble) at ng 1100 iktaryang lupa sa Cavite, lupa ng mga Pilipinong magsasaka kinamkam ng Kastilang pareng Recollectos. Agad nagpatalastas si Aguinaldo sa lahat ng mga naghihimagsik sa imperyalismong E.U. na magbaba na ng armas at makipagkutsyaba tulad niya. (Ang lataran na oportunismo ni Aguinaldo ay makikita din sa pagtutulungan niya sa Hapon ng salakayin nito ang Pilipinas noong 1942 at ang pagtalastas naman niya sa mga Amerikano na sumuko na sa bagong imperyalista.)

Bago pa man nahuli si Aguinaldo, ang kanyang kapanalig na si Heneral Mariano Trias ay boluntaryong sumuko na sa mga Amerikano.
Hindi pinansin ni Miguel Malvar ang utos ni Aguinaldo at imbes nagpalabas ng kontra-direktiba na huwag itigil ang pakikibaka laban sa imperyalismong E.U. at balewalain ang mga tawag ng palusukong Aguinaldo. Muling umusbong ang isang tunay na rebolusyonaryong pamumuno sa mga makabayang Katipunero katulad noon nabubuhay pa si Andres Bonficio. Pinaigting ni Malvar ang rebolusyonaryong pamahalaan at ang rebolusyonaryong hukbo ng bayan na tinawag niya na Hukbo Magpapalaya sa Bayan na nasasaklaw ang buong kapuluan, kasama ang isla ng Marianas(ngayon ay Guam) kung saan may mga Pilipino ipinatapon ng mga Kastila. Lahat ng mga rebolusyonaryong Katipunero na tapat na nagmamahal sa bayan at di-mapagkanulo at matatag na lumalaban sa imperyalismong E.U. ay muling nagkaroon ng wastong rebolusyonaryong pananaw sa ilalim ni Miguel Malvar, na hinirang tagapagmana sa liderato ni Gat Andres Bonifacio at pinapatnubayan ng mga prinsipyo ng HBK.
Sampung libong armas ang hawak ng mga manghihimagsik sa pamumuno ni Malvar sa Gitnang Luzon, Timog katagalugan hanggang kabisayaan. Limang rehiyon na departamentong militar o kagawarang panghukbo ang natatag sa buong kapuloan kasama ang Marianas(Guam). Ang mga kagawarang panghukbo ay hinati sa mga sona, ang mga sona sa probinsiya, at mga probinsiya sa distrito. Ito ay ang mga sumusunod: Kagawaran sa hilaga; unang sona – Batanes, Babuyan at Cagayan; pangalawang sona – Ilocos Norte at Ilocos Sur, Abra at Bontoc; pangatlong sona – Isabela at Nueva Viscaya; pang-apat na sona – Lipanto,Benguet, La Union at Pangasinan: Kagawaran sa gitna; unang sona – Zambales at Bataan; pangalawang sona – Tarlac at Pampanga; pangatlong sona – Nueva Ecija at Prinsipe; pang-apat na sona – Bulacan at bahagi ng hilagang Maynila: Kagawaran sa timog; unang sona – silangang bahagi ng Maynila, Infanta, Morong at isla ng Polilio; ikalawang sona – timog ng Maynila, Cavite at bahagi ng Laguna hanggang Calamba; pangatlong sona – Laguna, Tayabas at Marinduque; pang-apat na sona – Batangas, Mindoro at Romblon; panglimang sona – Ambos, Camarines, Kalayan at Catanduanes, Sorsogon, Albay at Burias: Kagawaran ng Visayas; unang sona- Samar, Masbate, Ticaw at Leyte; pangalawang sona – Cebu, Bohol at Negros;pangatlong sona – Panay at Cuyos; pangapat na sona - Paragwa, Calamianes at Balabak: Kagawaran ng Mindanao; unang sona – Surigao at Davao; pangalawang sona – Cotabato at Misamis; pangatlong sona – kapuloan ng Jolo, Sibuto. Hiwalay na probinsiya ang Marianas.
Naglunsad ng opensiba ang mga yunit ng rebolusyonaryong gerilya ng Hukbo Pagpapalaya sa Bayan sa iba’t-ibang probinsiya sa timog katagalugan at bisaya. Sa pamumuno ni Malvar, sa unang yugto ng digmaang gerilya ang mga armas ng mga Katipunero na nagsimula lamang sa bilang na 1700 ay naging 7000 sa pamamagitan ng pagatake ng mga gerilya sa kanyang kumand, kasama ang mga heneral na sina Lukban, Diokno, Fulluna at Araneta. Karamihan ng mga armas ay mga nasamsam sa mga napatay na tropang Amerikano.
Sa kanilang digmaang bayan, mahigpit na pinapatupad ni Miguel Malvar ang paggalang sa mga internasyunal na batas sa pakikihamok. Ipinabawal ng Batangueno heneral ang pagmamalupit sa mga nadisarmahang at nabihag na tropang Amerikano, pagtraidor na pagpatay sa mga ito kung natutulog o lasing/lango sa alak, ang pagbaril sa mga sumuko na, ang hindi pagalaga ng mahusay sa mga bihag, ang di paggamot sa mga nasugatan o may sakit na bihag, ang pagmamaltrato sa mga payapang Pilipino, Amerikano o ano pa mang nasyonalidad, at pagbibigay ng konsiderasyon sa pagdaan ng mga tropang Amerikano na malayo na sa lugar ng mga sagupaan.
Sa larangan pang-ekonomiya ng digmaang gerilya ay nagbigay ng patalastas si Malvar na huwag kalimutan ang gawaing pamprodusksyon para matustusan ang pangangailangan ng mga rebolusyonaryong Katipunan. Inutos ni Malvar na galing sa uring magsasaka ang pagtatanim ng palay, mais, kamote, kamatis, talong, monggo at iba pang gulay sa mga bayan sa loob ng sonang gerilya. Hinggil sa gawaing pampinansiya ipinagbilin ni Malvar na dating mahusay na negosyante ang mangolekta ang kanyang mga politiko-militar na mga kumander ng kontribusyon sa mga maykaya at ng rebolusyonaryong buwis batay sa kakayahan sa mga bayan, sona at probinsiya. Pinalakas ni Malvar ang tinayong mga balangay ng Katipunan lalo na sa mga lalawigan. Ito ay yun mga pamahalaan ng bayan sa mga komunidad na lihim na gumagalaw kung nasaskop ng mga Amerikano ang isang lugar. Ayun sa Amerikanong istoriyador na si John Taylor, ang mga balangay na mga ito ay may sariling hukumang bayan naglilitis ng mga traidor at iba pang kriminal at may kapangyarihan mangolekta ng buwis upang suportahan ang pakikibaka sa mga Amerikano. Sa isang bayan, halimbawa, ang hayag na pamahalaan ay kunyari nakikipagtulungan sa pamahalaan itinayo ng mga Amerikano sa lugar na ito, ngunit sa gabi ay pinapatakbo ang balangay nila.
Sa pananaw ni Miguel Malvar ang pakikibaka ng rebolusyonaryong pamahalaan ng bayan na itinatag ng Katipunan ni Andres Bonifacio noong 1896 laban sa kolonyalistang espanyol ay nagpapatuloy lamang ngayon laban sa imperyalitang E.U. Ang batayang suliranin hinggil sa pambansang kalayaan ay di-dapat kailanman kalimutan ayun kay Malvar, kaya kinakailangan ang katatagan at pagpupunyagi.
Ang Masa ang Tunay na Taga-Paglikha ng Kasaysayan
Sa rebolusyonaryong idelohiya ni Malvar mapapansin ang pananaw niya na malaki ang pagpapahalaga sa magpasiyang papel ng masa o mahihirap na Pilipino para sa pambansang kalayaan. Natalos niya ang papel na ito ng masa sa kanyang pag-aaral sa pakikibaka ng mga mamamayan sa iba’t-ibang rebolusyon sa daigdig kagaya ng sa Pransiya(1789), Amerika(1776), at kontinente ng Timog Amerika(1821 hanggang 1870). Ayun sa isang pahayag niya sa sambayanang Pilipino, sa ibang bansa tumagal ang digmaang bayan ng 12, 16, 18 o higit pang mga taon katulad ng pakikibaka ng mamamayang Amerikano laban sa kolonyalismong ingles na umabot ng 9 na taon. At ang pagpapalaya ng mga bansa sa kontinente ng timog Amerika ay tumagal din ng mahabang panahon sa pamumuno ni Simon Bolivar na nagumpisa na ang bilang ng kanyang tropa ay 500 sundalo lamang, ngunit ito’y lumago ng lumago sa suporta ng masa inaapi ng kolonyalismong Kastila. Kaya hindi kathang isip o guni-guni na magtatagumpay ang masang Pilipino sa kanilang digmaang bayan dahil nakataya ang kanilang buhay at dangal sa ilalim ng pamimiyapis ng imperyalismong E.U. Sa pamamagitan ng katatagan, ang maliiit at mahinang pwersa ng rebolusyonaryong hukbo na masa ay lalaki at lalakas ng sampung beses. Nahubog ang ganitong rebolusyonaryong pagtitiwala sa kakayahan ng masang Pilipino ni Malvar hindi lamang sa mga pagaaral ng heneral sa iba’t-ibang himagsikan sa daigdig kundi sa mahigpit na limang taon niyang paglahok sa armadong pakikibaka kasama ang mga mahihirap na kababayan sa kapatagan at kabundukan laban sa kolonyalismong espanyol at imperyalismong E.U.

Yüklə 111,07 Kb.

Dostları ilə paylaş:
1   2   3




Verilənlər bazası müəlliflik hüququ ilə müdafiə olunur ©genderi.org 2024
rəhbərliyinə müraciət

    Ana səhifə